May nadaanan o nakasabay ka na bang bumubuga ng usok na amoy candy? O di kaya yung mga gumagamit ng techy devices para “hindi mabaho” ang binubugang usok? Natutukso ka bang subukan? Kung ako sa’yo, wag na lang!
Ang mga vapor products at heated tobacco products ay iniinit gamit ang iba’t ibang uring ng electronic devices upang mag-generate o gumawa ng aerosol. Ang aerosol na ito ang siyang nilalanghap ng isang tao para pumasok ang nicotine o kaya iba pang kemikal sa katawan na siyang maaring magdulot ng addiction at iba pang sakit.
1. Mga Posibleng Effects ng Vape at Heated Tobacco Products
Ayon sa American Lung Association, ang vape ay nagtataglay ng potentially toxic substances na maaaring maging sanhi ng iba’t ibang sakit. Ilan sa mga posibleng negatibong epekto ng vaping ay ang mga sumusunod:
- E-cigarette or Vaping Use-Associated Lung Injury (EVALI)
Ayon sa pagsusuri, ang ilan sa mga kemikal na taglay ng vape liquid ay nakakasira sa respiratory system. EVALI ang tawag sa kondisyon o pinsala sa baga na dulot ng paggamit ng e-cigarette o vape na maaaring humantong sa kamatayan. Sa Estados Unidos, naitala ng kanilang Center for Disease Control and Prevention (CDC) na 68 sa mahigit 2,800 vapers na na-ospital dahil sa EVALI ang namatay as of February 2020.
- Iba Pang Respiratory Issues
Bukod sa EVALI, mataas ang tsansa na magkaroon ng ubo, wheezing, shortness of breath, at chest pain ang mga gumagamit ng vape. Mataas din ang risk na magkaroon ng asthma o hika ang mga vapers.
May iba pang toxic chemicals na pumapasok sa ating katawan habang gumagamit ng e-cigarette at vape na posibleng magdulot ng sakit.
- Acetaldehyde at formaldehyde na maaaring magdulot ng sakit sa baga at puso
- Acrolein na ginagamit bilang herbicide o pampatay ng damo na maaaring magsanhi ng asthma, acute lung injury, chronic obstructive pulmonary disease (COPD), at lung cancer
- Arsenic, chromium, nickel, at tin nanoparticles emissions
- Addiction at Mental Health Issues
Hindi lang sa alcohol at drugs nagkakaroon ng addiction. Madaling magkaroon ng dependence sa sigarilyo at vape dahil sa nicotine. Ito ang pangunahing dahilan kung bakit nahihirapan tumigil ang mga smokers at vapers lalo na kung ilang taon na sila sa bisyo na ito.
Dahil stimulant ang nicotine, nakakaapekto din ito sa ating mood at mental health. May mga pag-aaral na nagsasabing may mas mataas na risk for panic disorder at generalized anxiety disorder ang mga may nicotine dependence.
- Sakit sa Balat
Ang nicotine na laman ng vape ay maaaring magdulot ng iba’t ibang skin problems. Nakakaapekto ang nicotine sa elastic at collagen fibers kaya bumababa ang elasticity ng balat at nagkakaroon ng wrinkles. Ang vape emission din ay nagsasanhi na panunuyo ng balat na nararamdaman din minsan sa bibig at lalamunan ng vape users. Para agapan ang panunuyo ang ating balat, nagpoproduce ito ng mas maraming sebum o oil na maaaring maging dahilan ng pagkakaroon ng acne o tigyawat.
- Heart Problems
Ang nicotine sa vape juice ay nagpapataas ng adrenaline at blood pressure. Delikado ito dahil pwedeng magdulot ng atake sa puso. Ang iba pang sintomas ng high blood pressure ay severe headaches, pagkahilo, hirap sa paghinga, chest pain, nausea, pagsusuka, paglabo ng paningin, at anxiety.
- Explosion Injuries
May mga cases na sumabog ang vape device na nagdulot ng injuries sa gumagamit. Kung ayaw mong masaktan, huwag ka na mag-vape!
Sa hanay ng mga adolescents sa United States, ang pagsabog ng vapor devices habang ito ay ginagamit ay madalas na nagdudulot ng sunog sa mukha, pagka-bungal, at sunog sa iba’t ibang parte ng katawan.
2. Vaping vs. Smoking: Mas okay nga ba mag-vape?
Mas ligtas nga ba ang vaping kaysa sa paninigarilyo? Magkaiba man ang amoy ng usok ng vape at yosi, parehas pa rin silang naglalaman ng toxic chemicals na nagpapataas ng iyong risk para sa iba’t ibang sakit.
Madalas gamitin na alternatibo sa paninigarilyo, marami ang nahuhumaling sa paggamit ng e-cigarette at vape kahit hindi dating smoker. Nagsasanhi kasi ng addiction ang nicotine kaya nahihirapan tumigil sa paggamit ang mga nagsisimula o sumusubok dito. Habang tumatagal, mas lalong humihirap ang pag-quit ng e-cigarette at vape. At habang tuluy-tuloy ang paggamit mo nito, tuluy-tuloy din ang pagtaas ng iyong risk sa iba’t ibang side effects nito tulad ng EVALI.
3. May kilala ka bang gumagamit ng vape?
Kung may kilalang gumagamit ng vape at gusto mong hikayatin na tumigil, subukan ang mga sumusunod:
- Sumali sa Support Group
Sumali sa mga support group, counseling programs, o online community para sa mga nag-quit sa e-cigarette at vape para para makakuha ng suporta at encouragement. Maaari ka ring tumawag sa DOH QUITLINE 1558 para sa counselling. Libre ang pagtawag dito.
- Kumuha ng Suporta sa Komunidad
Bukod sa suporta mula sa mga magulang at kaibigan, kailangan din tumulong ang buong komunidad para matigil na ang vaping lalo na sa mga kabataan. I-rekomenda ang DOH Quitline 1558 at pagbisita sa mga Cessation Clinics kung may kilalang nais tumigil sa paninigarilyo at paggamit ng e-cigarette o vape.
- Consult A Doctor
Konsultahin ang isang doktor, specialist, o therapist para matulungan ka sa mga trigger at patterns ng iyong paggamit ng vape.
Related Posts