May 14, 2024

Laban Kontra Cervical Cancer: Susi sa Kalusugan ng mga Kababaihan

Sa buwan ng pagpapahalaga sa kalusugan ng mga kababaihan, ito ang panahon na dapat nating bigyang-pansin ang isang napakahalagang isyu: ang Cervical Cancer. Sabi nga, “Babae, mahalaga ka!” Kaya’t narito ang impormasyon na makatutulong sa ating lahat na labanan ang sakit na ito.

Sa araw-araw, labing-isang kababaihan ang nawawala sa laban kontra sa Cervical Cancer. At hindi lang iyon nagtatapos don, taun-taon, labing-limang babae sa bawat 100,000 ang nahaharap sa pagsubok na ito. Pero huwag tayong mawalan ng pag-asa, dahil may mga paraan upang mapigilan ito!

Ano nga ba ang mga hakbang upang maprotektahan ang mga kababaihan laban sa Cervical Cancer?

Una, ang bakuna laban sa HPV (Human Papillomavirus) ay isa sa pinakamabisang paraan upang protektahan ang sarili laban sa Cervical Cancer. Ang HPV ang pangunahing sanhi ng sakit na ito, kaya’t mahalagang mabakunahan ang mga batang babae edad 9-14.

Pangalawa, ang regular na screening tulad ng VIA, pap smear, at HPV DNA testing ay mahalaga para maagapan ang Cervical Cancer. Ito ay dapat gawin ng mga kababaihan edad 30-65 kada 3-5 taon. Huwag nating balewalain ang screening, sapagkat ito ang susi upang maagapan ang sakit na ito nang maaga.

Isang mahalagang paalala rin sa lahat na… 

Higit na ligtas at epektibo ang mga bakuna sa HPV. Kung magkaroon man ng kahit anong masamang reaksyoon ang katawan dito, ay paniguradong normal at ito ay kadalasang hindi naman matagalan at banayad lamang. Nais din naming bigyang tuon na ang HPV vaccine ay walang epekto o korelasyon sa fertility ng batang babae at hindi rin nito maaapektuhan ang kanyang kakayahang magbuntis at magkaroon ng malulusog na mga anak sa hinaharap. 

Ngunit hindi rin natin dapat isantabi ang mga hamon sa labang ito. Marami pa ring mga kababaihan ang hindi sapat na na-e-educate tungkol sa Cervical Cancer at kung paano ito maiiwasan. Kadalasan, ang mga kababaihan ay mas nababahala sa ibang mga bagay tulad ng tirahan, pagkain, at trabaho kaysa sa kanilang kalusugan.

Hindi rin nawawala…

Ang mga hamon sa implementasyon ng mga programa tulad ng bakunahan sa mga paaralan. Kaya’t mahalaga ang agarang aksyon at kooperasyon ng lahat upang mapalaganap ang impormasyon at mabigyan ng sapat na proteksyon laban sa Cervical Cancer.

Ngayong alam na natin ang mga dapat gawin, tara na’t magkaisa para sa laban kontra sa Cervical Cancer! Magsama-sama tayo sa pagsusulong ng kampanya para sa bakuna at screening. Huwag nating hayaang manalo ang sakit na ito!

Sa huli, tandaan natin na ang Cervical Cancer ay kaya nating labanan. Huwag matakot magpatingin sa doktor at sumailalim sa mga screenings. Mahalaga ang ating kalusugan, at tayo mismo ang unang dapat mag-alaga sa ating sarili.

Babae, mahalaga ka! Laban tayo kontra sa Cervical Cancer!

< Return to Articles