Press Release | 29 Nobyembre 2024

Inaprubahan na nina Health Secretary Teodoro J. Herbosa at ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) Board of Directors (Board) en banc ang unang preventive oral healthcare benefit package ng bansa. Ito ay idinisenyo upang magbayad para sa taunang regular na preventive oral care services para sa bawat Pilipino, tulad ng mouth examination/oral screening, dental prophylaxis o paglilinis, at fluoride varnish application. Magkakaroon din ng bayad para sa pit and fissure sealant at mga Class V procedures kung kinakailangan, para sa di lalampas na dalawang ngipin. Ang mga emergency na konsultasyon at pagbunot ng ngipin ay magiging bahagi din ng benepisyo. Inaprubahan ng PhilHealth Board ang dagdag benepisyong pang primary care na ito para sa bibig alinsunod sa pangkalahatang pananaw ng “Ngiting 70-20” para matiyak na mas maraming Pilipino ang aabot sa edad na 70 na may 20 pang permanenteng ngipin.

Ang pag-apruba ay kasabay ng paglahok ng bansa sa kauna-unahang World Health Organization (WHO) Global Oral Health Meeting (GOHM) sa Bangkok, Thailand, na tumatakbo mula Nobyembre 26 hanggang 29, 2024. Si Dr. Rochelle Pambid, Dentist IV sa DOH Disease Prevention at Control Bureau ay isa sa mga kinatawan ng Pilipinas, kasama si OIC Assistant Secretary at DOH Spokesperson Albert Domingo na siyang namuno sa delegasyon.

Nakinig ang mga WHO Member States mula sa buong mundo sa paglahad ng Pilipinas ng oral health at public health journey nito sa mga dekadang nakaraan, na kinabibilangan ng multi-sectoral at inter-government agency collaboration sa Department of Education (DepEd) para sa Fit for School advocacy nang dalawang beses na pagsipilyo araw-araw sa paaralan upang maiwasan ang pagkabulok ng ngipin; pagpapatibay ng isang life-course approach sa pagsasama ng mga alituntunin sa public health; mga diskarteng nakabatay sa mga setting tulad ng healthy learning institutions; at ang pinakahuli, ang pagkakaroon ng PhilHealth benefit package para sa preventive oral health sa primary care.

“Ang paglakbay ng Pilipinas para sa pangangalaga sa kalusugan ng bibig ay parang roller coaster na may mga ups and downs sa pagpapatupad. Sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. at Health Secretary Teodoro J. Herbosa, muli tayong bumabangon para tuparin ang mandato ng Universal Health Care na kinabibilangan ng oral health,” ani Assistant Secretary Domingo na sumali rin sa PhilHealth Board meeting sa pamamagitan ng video call mula sa Bangkok.

Inaprubahan ng PhilHealth Board ang maximum payment na PHP 1,000 bawat pasyente kada taon para sa preventive oral health services, na babayaran ayon sa sumusunod: PHP 300 para sa unang dalaw, kasama ang mouth examination/oral screening, oral prophylaxis (cleaning), at fluoride varnish application; isa pang PHP 300 para sa pangalawang dalaw nang hindi bababa sa apat na buwan pagkatapos ng unang pagbisita, para sa parehong mga serbisyo; at PHP 200 bawat ngipin (maximum na dalawang ngipin bawat taon) para sa pit and fissure sealant o Class V procedure. Walang dagdag singil na pinapayagan para sa mga pampublikong dentista, habang ang mga pribadong dentista ay papayagan ang maximum na co-payment charges bawat pagbisita na PHP 1,500 para sa mouth examination at oral prophylaxis; PHP 600 para sa pit and fissure sealant o Class V procedure; at PHP 600 para sa emergency na pagbunot ng ngipin.

Ang paglalagay ng fluoride varnish ay nagpapalakas ng enamel o ang pinakalabas na layer ng mga ngipin, upang maiwasan ang pagbuo ng mga bagong cavity o pabagalin o pigilan ang paglala ng pagkabulok ng ngipin. Ang mga pit at fissure sealant ay mga pamamaraan na nagpoprotekta mula sa pagkabulok ng ngipin sa pamamagitan ng pagpuno sa mga uka at butas ng ngipin kung saan maaaring magdulot ng pinsala ang bakterya na sinamahan ng natirang pagkain o asukal. Ang mga Class V procedure ay nag-aalis ng bulok o nasira na bahagi ng ngipin, at pagkatapos ay pinapalitan ang lugar ng composite resin material.

“Dapat ang universal health care ay may kasamang oral health care, at ang pinakamahusay na paraan upang ito ay tumagal at madama ng bawat Pilipino ay sa pamamagitan ng primary care. Sumang-ayon ang Board sa isang preventive oral health benefit na ihahatid ng mga dentista na kasama sa PhilHealth Konsulta package providers, at gayundin ng mga stand-alone na dentista batay sa mga referral mula sa Konsulta providers,” ani Sec. Herbosa. “Gusto nating makasama ang mga dentista at sumali sila sa UHC. Itong bagong PhilHealth oral health benefit ay makatutulong na mangyari iyon,” dagdag ng ex-officio Chairperson ng PhilHealth Board.

Ang susunod na hakbang ay para sa PhilHealth Management sa ilalim ng Pangulo at Chief Executive Officer nito na magsulat at maglathala ng mga detalye sa isang PhilHealth Circular, na hahantong sa pagbuo o pagpapahusay ng mga IT system na gagamitin para kumuha ng datos at makabayad. Ang mga kawani ng PhilHealth ay magsasanay at mag-orient din sa mga stakeholder bago ang roll-out at inaasahang pagpapatupad sa una hanggang ikalawang quarter ng bagong taon.

RELATED MATERIAL

WHO global oral health meeting: Universal health coverage for oral health by 2030 (footage of the Philippine presentation available towards the bottom of the page – Day-2 (27/11/2024 – 09:54-10:17, chapter 00:07:30 Integrated setting-based oral health promotion – Fit for School, Philippines)
URL:https://www.who.int/news-room/events/detail/2024/11/26/default-calendar/who-global-oral-health-meeting–universal-health-coverage-for-oral-health-by-2030