Pinagsamang Press Release | 7 Oktubre 2024

Nagsama sina Kalihim ng Kalusugan na si Teodoro J. Herbosa at Kalihim ng Edukasyon na si Sonny Angara upang ilunsad ngayon ang “Bakuna Eskwela”, isang kampanya sa pagbabakuna na naglalayong protektahan ang mga batang mag-aaral laban sa tigdas, rubella, tetanus, diphtheria (MR, Td), at human papillomavirus (HPV). Ang Bakuna Eskwela ay magkasanib na inisyatiba ng Department of Health (DOH) at ng Department of Education (DepEd) upang muling isulong ang ligtas at epektibong pagbabakuna sa paaralan.

Nilalayon ng Bakuna Eskwela na mabakunahan ang hindi bababa sa 3.8 milyong mga mag-aaral sa pampublikong paaralan na naka-enrol sa Baitang 1 at 7 gamit ang mga bakunang MR at Td, at pati na rin ang 973,930 babaeng mag-aaral sa Baitang 4 sa mga piling pampublikong paaralan gamit ang bakuna laban sa HPV na nagpoprotekta laban sa cervical cancer. Gamit ang badyet na PhP 853 milyon, ipapatupad ang kampanya sa mga pampublikong paaralan sa buong bansa hanggang Nobyembre 2024. Nasuspinde ang school-based immunization (SBI) sa panahon ng pandemya ng COVID-19 dahil sa mga mobility restrictions. Ngayong magkaharap na ang mga klase, ipinagpapatuloy na ng DOH at DepEd ang SBI nang buong kapasidad, kasunod ng pagpapalabas ng DOH Department Memorandum 2024-0250 at suportado ng DepEd Memorandum 2024-03-06789.

Mula Enero 1 hanggang Setyembre 14, 2024, nakapagtala ang DOH ng 3,356 kaso ng tigdas at rubella kung saan 11 ang namatay; 215 kaso ng dipterya na may 25 na pagkamatay; at 81 kaso ng neonatal tetanus na may 44 na pagkamatay. Nabanggit din ng DOH na nasa 7,897 kababaihan ang na-diagnose na may cervical cancer, at humigit-kumulang 4,052 ang namamatay sa sakit taun-taon. Ang lahat ng mga kaso at pagkamatay na ito ay maaaring napigilan sa pamamagitan ng ligtas at epektibong pagbabakuna.

“Palagi naming tinatanggap at isinusulong ang mga oportunidad na makipagtulungan sa DOH na makatutulong sa pagkamit ng ating five-point agenda, alinsunod sa isinaad sa SONA ni Pangulong Marcos na pagtuonan ang pagpapabuti ng education outcomes. Pinalalakas ng school-based immunization ang agenda na ito, partikular na sa pagtitiyak ng pisikal at mental na kapakanan ng mga mag-aaral upang matamasa ang pag-aaral na walang balakid sa kalusugan at pagbibigay ng halaga sa pagtitiyak ng positive learning experience para sa mga mag-aaral,” ani Kalihim Angara.

“Nagpapasalamat kami kay Pangulong Marcos Jr. sa kanyang malakas na suporta sa pagligtas ng buhay sa pamamagitan ng pagbakuna. Nagpapasalamat din kami sa aming mga katuwang mula sa DepEd at sa mga local government unit sa buong bansa sa pagtulong na iligtas ang buhay ng ating mga estudyante – dahil sa Bagong Pilipinas, Bawat Buhay Mahalaga!” ani Secretary Herbosa.