Joint Press Release | 20 Nobyembre 2024

Pormal nang nilagdaan ang Memorandum of Understanding (MOU) sa pagitan ng Department of Health (DOH) at National Commission on Indigenous Peoples (NCIP) na naglalayong mapabuti ang kalusugan at nutrisyon ng nasa higit 860,000 na katutubo o Indigenous Peoples (IPs) sa 13 rehiyon sa bansa. Sa pagsasanib-pwersa ng DOH at NCIP, palalaganapin sa mga IP communities ang Philippine Multisectoral Nutrition Project (PMNP).

Ang PMNP ay isang programa na pinondohan ng World Bank na naglalayong mabawasan ang stunting at malnutrisyon sa kabataan, lalo na sa mga malalayong lugar at komunidad ng mga katutubo. Ilan sa mga serbisyong nakapaloob dito ay ang Antenatal Care tulad ng pagbibigay ng iron at folic acid para sa mga buntis at kababaihang nasa reproductive age group, pagsusulong sa kalusugan at nutrisyon ng mga ina at anak, at pagpapalakas ng mga hakbang upang mapabuti ang kalusugan at nutrisyon ng mga kababaihan at bata sa iba’t ibang mga komunidad.

Prayoridad din ng kasunduang ito ang pagiging sensitibo sa kultura ng mga katutubo upang matiyak na ang mga nutrition-services ay naaayon sa kanilang mga paniniwala, kaugalian, tradisyon, at institusyon. Binibigyan din ng kahalagahan ang pagkuha ng Free, Prior, and Informed Consent (FPIC) mula sa mga komunidad ng mga katutubo bilang bahagi ng kanilang pakikilahok sa proyekto.

Binigyang-diin ni NCIP Chairperson Jennifer Pia Sibug-Las sa kanyang mensahe na ipinahayag ni NCIP Executive Director Mervyn H. Espadero, na ang nutrisyon ay mahalaga para sa pangmatagalang kaunlaran ng mga Indigenous Cultural Communities, β€œSa pamamagitan ng MOU na ito mas maitataguyod ang karapatan ng ating mga Katutubo at kanilang Katutubong Pamayanan, lalo na ang karapatan nila na mabigyan ng natatanging serbisyo ukol sa nutrisyon na angkop sa kanilang katutubong kultura. Ang pagtutok sa nutrisyon ng ating mga Katutubong Pamayanan ay isang hakbang patungo sa pagkakaroon ng makatarungan at inklusibong pag-unlad.”

β€œAng mga katutubo o IP communities ay kailangang naaabot ng mga serbisyo publikong naaayon sa kanilang kultura. Kailangang masiguro ang kanilang kalusugan at access sa tamang nutrisyon, kahit na sila ay naninirahan sa malalayong lugar,” saad ni DOH Secretary Teodoro J. Herbosa.

LINK: Facebook PR Link