
Ngayong 4 PM, Oktubre 27, 2021, ang Department of Health ay nakapagtala ng 3,218 na karagdagang kaso ng COVID-19. Samantala ay mayroon namang naitalang 6,660 na gumaling at 271 na pumanaw.
Sa kabuuang bilang ng mga naitalang kaso sa bansa, 1.8% (50,152) ang aktibong kaso, 96.7% (2,676,349) na ang gumaling, at 1.53% (42,348) ang namatay.
Ayon sa pinakahuling ulat, lahat ng mga laboratoryo ay operational noong October 25, 2021 habang mayroong 1 laboratoryo na hindi nakapagsumite ng datos sa COVID-19 Document Repository System (CDRS). Base sa datos sa nakaraang 14 na araw, ang kontribusyon ng 1 lab na ito ay humigit kumulang 0.06% sa lahat ng samples na naitest at 0.07% sa lahat ng positibong mga indibidwal.
Bagama’t bumababa ang mga kaso ng COVID-19 na naiiuulat nitong mga nakaraang araw, hindi dapat tayo maging kampante. Bagkus, ipagpatuloy ang tamang pagsunod sa minimum public health standards at agad na magpabakuna.
Para sa karagdagang detalye, bisitahin ang aming pampublikong site: www.doh.gov.ph/covid19tracker.