Press Release | 3 March 2025

Nagpaalala ang Department of Health (DOH) laban sa mga sakit na may kaugnayan sa init na nagiging laganap sa matinding temperatura. Nagpasabi na ang Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) na ang heat index ay aabot sa 46 degrees Celsius sa Metro Manila ngayong Marso 3 at 4. May mga forecast rin ang PAGASA na “danger” heat index sa Pampanga, Nueva Ecija, Bataan, at Olongapo City.

Ang temperaturang mula 33-41 degrees Celsius ay inuri ng PAGASA bilang “extreme caution” habang 42-51 degrees Celsius bilang “danger.” Ang ganitong mga temperatura ay maaaring humantong sa heat cramps (pamumulikat) at heat exhaustion (pagkahapo), na may mga sintomas tulad ng pagkapagod, pagkahilo, sakit ng ulo, pagsusuka, at pagkahilo. Ang matagal na pagkakalantad sa init ay nagpapataas ng posibilidad ng heat stroke, isang seryosong kondisyon na may pagkawala ng malay, pagkalito, o kaya ay mga seizure/kombulsyon, na maaaring nakamamatay kung hindi ginagamot.

Kung mapapansin ang alinman sa mga sintomas na ito, pinapayuhan ang publiko na gamitin ang mga sumusunod na hakbang sa pangunang lunas:

Ilipat ang tao sa isang malilim at malamig na lugar, at ayusin ang bentilasyon. Tanggalin ang panlabas na damit ng tao. Maglagay ng malamig na compress, ice pack, malamig na tubig, o malamig na basang tela sa balat, lalo na sa bandang ulo, mukha, leeg, kilikili, pulso, bukung-bukong, at singit. Kung ang pasyente ay may kamalayan, hikayatin ang madalas ngunit mabagal na pagsipsip ng malamig na tubig. Makipag-ugnayan sa emergency services, o dalhin kaagad ang tao sa ospital.

Pinapayuhan ang publiko na regular na subaybayan ang mga ulat mula sa PAGASA at gumawa ng mga hakbang sa pag-iwas laban sa mga sakit na ito, kabilang ang pag-inom ng maraming tubig; pag-iwas sa iced tea, soda, kape, o mga inuming may alkohol; paglimita sa oras na ginugugol sa labas sa pagitan ng 10 am hanggang 4 pm; at paggamit ng proteksyon sa araw tulad ng mga sumbrero, payong, at sunblock. Magsuot rin ng maluwag at magaan na damit.

“Kaya nating iwasan ang mga heat illnesses o sakit ng init. Alamin mula sa PAGASA ang heat index. Pagibayuhin ang pag-ingat, lalo na kapag ang heat index ay 33 Celsius na,” ani Health Secretary Teodoro J. Herbosa. “Kapag umabot o lumampas na ng 42 Celsius ang heat index, ‘danger’ na yan – dalasan ang pag-inom ng malinis na tubig, at umiwas sa araw mula 10am hanggang 4pm,” dagdag ng Health Chief.
###