Press Release | 01 March 2025

Nakapagtala ang DOH ng 7,598 na kaso ng Hand, Foot, and Mouth Disease (HFMD) mula Enero 1 hanggang Pebrero 22, 2025 sa bansa. Bagamat ito ay halos tatlong beses na mas mataas kumpara sa 2,665 na kaso noong 2024, mas mababa pa rin ito kaysa noong 2023 kung kaila’y nakapagtala ng lampas 2,500 kaso sa isang linggo lamang noong simula ng Pebrero.

Mahigit kumulang kalahati (52%) ng mga kaso ng HFMD ay naitala mula sa Central Luzon, MIMAROPA, Metro Manila, at Cordillera Autonomous Region (CAR ). Lampas kalahati (56%) o 4,225 sa kabuuang kaso ay mga batang 4 na taong gulang pababa. Habang nasa 2,069 na kaso ay mga batang nasa edad 5 hanggang 9 na taong gulang.

Ang HFMD ay isang nakahahawang sakit na kumakalat sa pagtalsik ng laway na may virus. Maaari ring makuha ang virus kapag ang isang tao ay humawak sa kaniyang mata, ilong, o bibig gamit ang kamay na nahawakan ang bagay na kontaminado ng virus.

Banayad lamang ang karamihan ng kaso ng HFMD. Kabilang sa mga sintomas nito ang lagnat, ubo, singaw sa bibig, at mga paltos sa kamay, paa, at puwitan. Ngunit maaari rin itong magdulot ng mas malubhang komplikasyon tulad ng meningitis at encephalitis o pamamaga ng utak.

Ang mga may sakit, lalo na kapag pinaghihinalaan o kumpirmadong kaso ng HFMD, ay dapat manatili sa bahay at iwasang pumasok sa paaralan o trabaho. Manatili muna sa bahay nang 7-10 araw o hanggang sa panahong mawala ang lagnat at matuyo na ang mga sugat. Ihiwalay ang mga kubyertos at iba pang personal na kagamitan ng taong maysakit, at linisin ang lugar kung saan sila nanatili gamit ang disinfectant matapos ang inirekomendang pagkabukod.

“Bihirang makamatay ang HFMD at kusa itong gagaling, pero madali itong kumalat. Tandaan na dapat 20 segundo ang paghugas ng kamay gamit ang sabon at tubig. Umiwas muna sa ibang tao kung may sintomas,” ani Health Secretary Teodoro J. Herbosa. “Kumonsulta agad sa pinakamalapit na health center kung makaranas ng mga ito,” dagdag ng Kalihim ng Kalusugan.

###