Press Release | 17 Nobyembre 2024
Generator sets at power stations ang ilan sa mga unang inihanda ng mga DOH Hospitals para masigurong hindi maaantala ang serbisyong medikal sa mga pasensyete, kaugnay ng pagtama ng Super Typhoon Pepito sa NCR.
Naglaan naman ng mahigit 600,000.00 na halaga ng logistical support para sa medical and public health needs ang DOH Metro Manila Center for Health Development (CHD).
Sa pondong ito, kasamang naihanda ang ilang mga gamot tulad ng antibiotics, gamot sa balat, mga gamot pang ubo, sipon, lagnat at hypertension at multivitamins, bukod sa mga hygiene, iba pang health emergency commodities at supply ng pagkain na nakaimbak na rin.
Handa rin sakaling kailanganing ideploy ang Philippine Emergency Assistance Team (PEMAT) ng Dr. Jose N. Rodriguez Memorial Hospital. Ang PEMAT ay emergency medical assistance team na pinapadala sa mga lugar na apektado ng sakuna sa loob at labas ng bansa. Kumpleto sa water, sanitation, and hygiene (WASH) facility ang grupo para sa outpatient care.
Siniguro rin ng DOH Metro Manila CHD na bukod sa mga ospital, alerto na rin ang mga barangay health centers, rural health units, at alternate command centers para rumesponde sa mga maaapektuhan ng bagyo.
Magkakaroon din ng disease surveillance sa mga evacuation centers para maiwasan ang pagkalat ng mga sakit matapos ang paglikas ng mga apektadong residente sa iba’t ibang lugar sa NCR.
“Sinisikap ng mga ahensya ng gobyerno na maagang mailikas ang mga kababayan natin mula sa mga flood at landslide-prone areas. Handa ang DOH na umagapay sa mga pangangailangang pangkalusugan ng mga lumikas papunta man sila sa healthcare facility o evacuation centers.”—pahayag ni Sec. Ted Herbosa tungkol sa pagpapanatili ng kahandaan sa lahat ng health facilities bago pa man tuluyang maramdaman ang bagyo.
Related Press Releases