Joint Press Release | October 15, 2024

Ang Department of Health (DOH), kasama ang World Health Organization (WHO), ay nakikiisa sa buong mundo sa pagdiriwang ng Global Handwashing Day, na ginugunita tuwing ika-15 ng Oktubre. Ang tema para sa taong ito ay “Why Are Clean Hands Important?” o “Bakit Mahalaga ang mga Malinis na Kamay?” na nagbibigay-diin sa mahalagang tungkulin ng wastong paghuhugas ng kamay sa pagpigil ng pagkalat ng mga nakahahawang sakit at sa pagtataguyod ng kalusugan ng publiko.

Bilang bahagi ng pangako nito sa pagpapabuti ng kalusugan ng mga Pilipino, isinama ng DOH ang Water Supply, Sanitation, and Hygiene o WASH sa 8 Priority Health Outcomes ng Kagawaran. Ito ay may layuning pataasin ang porsyento ng populasyong nakagagamit ng malinis na tubig mula sa 88% hanggang sa 100%. Bilang suporta sa WASH in Schools o WINS program ng Kagawaran ng Edukasyon (DepEd), nagbigay ang DOH ng teknikal at pinansyal na tulong sa mga paaralan upang makamit ang mga pamantayan ng malusog na paaralan. Kabilang na dito ang pagkukumpuni ng mga palikuran at iba pang pasilidad ng tubig, paglalagay ng mga paalala sa paghuhugas ng kamay sa mga palikuran gaya ng paghuhugas ng kamay at ang pagdaraos ng arawang paghuhugas ng kamay sa mga paaralan. Samantala, upang matulungan ang mga komunidad na makamit ang mas maayos na kalinisan at sanitasyon, hinihikayat din ng DOH ang mga lokal na lider na mamuhunan at bigyang-prayoridad ang mga pasilidad at suplay para sa kalinisan ng kamay. Kabilang din ang DOH sa pagbuo at pagpapabuti ng Global Guidelines for Hand Hygiene in Community Settings, isang inisyatiba na pinangungunahan ng WHO at UNICEF.

Ang regular na paghuhugas ng kamay gamit ang sabon at tubig ay isang simple ngunit epektibong pamamaraan upang maiwasan ang sakit partikular na sa mga paaralan, ospital, at sa mga tahanan. Ang malinis na mga kamay ay nagpapababa ng pagkalat ng mga sakit na nagdudulot ng pagtatae tulad ng tipus, cholera, at gastroenteritis ng humigit-kumulang 30%, at mga impeksyon sa baga gaya ng sipon, trangkaso, COVID-19, at Tuberculosis (TB) ng humigit-kumulang 20%. Pinipigilan din nito ang pagkalat ng Mpox, lalo na sa mga pagkakataong nakahawak ng kontaminadong mga bagay. Dagdag pa rito, ang paghuhugas ng kamay ay nakatutulong din laban sa pagkakaroon ng impeksyon mula sa Salmonella, at mga parasitiko at bulate na matatagpuan sa lupa.

Patuloy na nagsisilbing mahalagang katuwang ang WHO sa pagsuporta sa mga programa ukol sa kalinisan ng kamay at sanitasyon sa buong bansa. “WHO Philippines encourages everyone to take hand hygiene seriously because this is essential for achieving universal health care (UHC). By prioritizing infection prevention and control, especially through effective hand hygiene, we can significantly enhance quality of care and patient safety, ultimately ensuring better health for all,” ayon kay Dr. Rui Paulo de Jesus, Representante ng WHO sa Pilipinas.

“Ang mga lokal na pinuno na inuuna ang malinis at ligtas na tubig para sa lahat sa kanilang mga komunidad ay ginagawang unang linya ng depensa laban sa sakit ang malinis na kamay. Ang paghuhugas ng kamay gamit ang sabon ay nagliligtas ng buhay sa mga komunidad, lalo na sa mga alektado ng baha o kung saan ang pagkakaroon ng malinis na tubig ay isang hamon. Nananatiling nakatuon ang DOH sa pagtataguyod ng kalinisan ng kamay bilang isang pangunahing diskarte sa kalusugan upang mapangalagaan ang kapakanan ng lahat ng Pilipino,” ani Health Secretary Teodoro J. Herbosa.