Sa bawat pagtutok at hakbang na tinatahak, 50 years ng pagbabakuna ay ipinagdiriwang sa buong mundo. Ito’y hindi lamang isang simpleng paggunita kundi isang pagpupugay sa mga taon ng matiyagang paglilingkod upang protektahan ang bawat isa laban sa mga sakit na maaaring iwasan sa pamamagitan ng bakuna. Sa pagsapit ng World Immunization Week (WIW) sa April 24 hanggang 30, ang bawat Pilipino ay inaanyayahang makiisa sa pagdiriwang ng 50 taon ng Essential Programme on Immunization (EPI).
Layunin ng World Immunization Week na bigyang diin ang kolektibong aksyon na kinakailangan upang protektahan ang mga bata, matatanda, at ang kanilang mga komunidad laban sa mga sakit na maaring maiwasan sa pamamagitan ng bakuna, na naglalayong magbigay sa kanila ng mas masaya at malusog na pamumuhay. Ngayong taon, ipinagdiriwang ng WIW ang 50 taon ng EPI, isang pandaigdigang pagsisikap upang matiyak ang patas na access sa mga bakunang nagliligtas ng buhay para sa bawat bata, anuman ang kanilang geograpikal na lokasyon o estado sa buhay.
Sa Pilipinas, nakamit ng Kagawaran ng Kalusugan ang mga mahahalagang tagumpay sa kanilang National Immunization Program. Naging polio-free ang bansa noong 2000 at natamo ang MNTE status noong 2017. Sa mga sumunod na taon, nagkaroon ng mga kampanya laban sa polio at tigdas na nagresulta sa mataas na coverage ng bakuna. Noong 2023, natapos ang pagbabakuna laban sa COVID-19, na nagtulak sa pagtanggal ng public health emergency.
Ngunit bakit nga ba mahalaga ang World Immunization Week 2024? Ang pagdiriwang ng linggong ito ay nagbibigay daan sa pagsasalin ng atensyon sa mga tagumpay ng programa sa pagbabakuna, pagpapalakas ng kamalayan sa epekto nito sa mga buhay na nailigtas, at pagpapalakas ng ugnayan sa pagitan ng iba’t ibang sektor para sa patuloy na pagpapatupad ng mga programa sa pagbabakuna.
Subalit hindi ito limitado dito. Isa sa mga pangunahing dahilan ng patuloy na mga paglaganap ng sakit ay ang kakulangan sa bakuna, lalo na sa mga kabataan. Ang ilan sa mga karamdamang ito, tulad ng pertussis, tigdas, hepatitis B, at tuberculosis, ay patuloy na umaabot sa mga komunidad ngayon. Hindi dapat maging sanhi ng kamatayan ang mga sakit na ito, at ang pagbabakuna ay nagbibigay ng proteksyon laban sa malubhang komplikasyon na maaaring idulot nito sa mga bata.
Sa pagkakaisa at kolektibong aksyon, patuloy nating mapapalakas ang proteksyon at kalusugan ng bawat isa, hindi lamang sa panahon ng World Immunization Week kundi sa bawat araw ng ating buhay.
Magpabakuna na sa pinakamalapit na health center upang maprotektahan ang sarili at ang mga mahal sa buhay laban sa mga malubhang at nakamamatay na sakit na maaaring maiwasan sa pamamagitan ng bakuna. Sa pagkakaisa, magtulungan tayong pigilan ang pagkalat ng mga outbreak at panatilihing ligtas ang ating mga komunidad!
Bisitahin ang mga link na ito para sa kumpletong impormasyon tungkol sa bakuna sa bawat populasyon: Para sa mga sanggol, school age children, pregnant women, at senior citizen
Related Posts