DOH: 99% NG PHP 311M PARA SA SRA NASA MGA PASILIDAD NA; PATULOY ANG PAGTUGON SA PAGBIBIGAY NG BENEPISYO PARA SA MGA HCW

Press Release | September 2, 2021

Inanunsyo ng Department of Health (DOH) na 99% ng Php 311 million na SRA ng 20,208 na eligible na healthcare worker ay nasa mga pasilidad na upang agarang maproseso at maibigay na.

Ang naturang halaga ay karagdagang pondo sa mahigit 7 bilyon na una nang nailaan ng gobyerno para sa SRA ng 379,117 eligible health workers mula December 2020 hanggang June 30, 2021.

“Kalakhan ng Php311 milyon ay nadisburse na sa ating mga health facilities. Tandaan po lamang natin na ang SRA ay kailangan ring iprocesso ng mga public at private health facilities upang makuha ng ating mga healthcare workers. Ang Php311 milyon ay para sa first batch ng mga eligible healthcare workers na hindi pa nakatatanggap ng kanilang SRA, dagdag sa mga una na nating nabigyan. Nakapag request na rin po tayo ng additional na budget para sa susunod na batch ng eligible healthcare workers na makakakuha ng SRA. Kami ay umaasa sa positibong pagtugon ng Department of Budget and Management (DBM),” wika ni Administration and Financial Management Head Undersecretary of Health Leopoldo Vega.

Samantala, ang DOH ay nakikipag coordinate na rin sa DBM upang pag-usapan ang tuluyang pagbibigay ng MAT sa mga healthcare worker.

“Tayo po ay nakikipag ugnayan sa DBM upang pag usapan ang paglabas ng bagong polisiya ukol sa MAT. Makakaasa po kayo na bibigyan prioridad ng DOH ang karapatan ng ating mga healthcare worker upang makuha nila benepisyo na dapat nilang makuha ng naaayon sa ating batas,” wika ni Health Secretary Francisco Duque III.

###